Naagnas na at walang damit nang matagpuan ang bangkay ng isang babae sa loob ng septic tank sa Barangay Puntod sa Cagayan de Oro City.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, kinilala ang bangkay na si Rachelle Manahan, na iniulat ng kaniyang mga kaanak na nawawala mula pa noong nakaraang Lunes.
Sa ginawang pagsisiyasat ng pulisya para matunton ang babae, nakita nila ang isang kuha ng CCTV kung saan siya huling dumaan.
Sa video, nakita ang biktima na pauwi nang sundan siya ng salarin at pinalo ng matigas na bagay sa ulo at isinakay sa bisikleta.
Nang puntahan ng mga pulis ang lugar kung saan nangyari ang insidente, natunton nila ang isang septic tank na inirereklamo naman ng mga residente dahil sa masangsang na amoy.
Nang tingnan ang loob ng septic tank, doon na nakita ang bangkay ng biktima.
Sa tulong ng isang impormante, napag-alaman ng mga pulis na malapit lang sa lugar nakatira ang hinihinalang salarin na si Daniel Bagobaldo.
Nakita sa kaniyang bahay ang ilang gamit na pag-aari umano ng biktima, ayon sa mga kaanak ng babae.
Nagtangka pang tumakas si Bagobaldo pero inabutan siya ng mga nakihabol na taumbayan at kinuyog.
Nang tanungin, itinanggi ni Bagobaldo ang krimen.
Inaalam pa ang sanhi ng pagkamatay ni Manahan, habang mahaharap si Bagobaldo sa reklamong murder.-- FRJ, GMA News
