Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang isang barangay chairman matapos siyang barilin sa pasilyo ng public market ng Alaminos, Laguna.
Sa ulat ng GMA News "Saksi" nitong Biyernes, sinabing tatlong lalaki ang naghanap muna sa biktimang si Romeo Sagario, barangay chairman ng Barangay San Andres.
Nang makita nila si Sagario, pinagbabaril na nila ang biktima, at mabilis na tumakas.
Kaagad na isinugod sa ospital ang biktima pero hindi na umabot ng buhay.
Dalawang iba pa ang bahagyang nasugatan matapos tamaan ng ligaw na bala.
Inaalam pa ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga salarin at kung ano ang motibo sa likod ng krimen.--FRJ, GMA News
