Bilang panlaban sa dengue, pinagsuot ng Department of Education (DepEd) ng mahahabang damit ang mga estudyante sa Region 12, ayon sa ulat ng Balitanghali nitong Sabado.

Sa halip na karaniwang uniform, pinayagan ang mga estudyante sa SOCCSARGEN na magsuot ng long-sleeved shirts, sweat shirts, mahahabang medyas at jogging pants para hindi dapuan ng lamok.

Bukod dito, patuloy rin ang cleanup at fogging operations sa mga paaralan sa nasabing rehiyon kung saan may mahigit 1,000 kaso ng dengue na ang naitala mula Enero ng taong ito.

Ang SOCCSARGEN ang ikalimang rehiyon na may pinakamataas na kaso ng dengue sa bansa.

Nauna nang nagdeklara ang Department of Health ng dengue epidemic sa buong bansa. -- KBK, GMA News