Kasa-kasama ng isang senior citizen na tricycle driver ang misis niyang may sakit sa kanyang pamamasada sa Samal, Bataan, ayon sa ulat sa Unang Balita ng GMA News nitong Martes.
Isinasama ni Lolo Manoling Medina ang misis niyang si Lola Angeles na hindi na makalakad nang ma-stroke noong 2013.
Dahil kapos sa buhay, hindi na nila nagawang maipagpatuloy ang therapy ni Lola Angeles. Ayon sa kanila, hindi na raw nila maasahan ang kanilang tatlong anak na may kanya-kanyang pamilya na.
Para hindi mahulog mula sa tricycle, pinapasuot na lang daw ni Lolo Manoling ng seatbelt ang asawa. — Joviland Rita/RSJ, GMA News
