GUMACA, Quezon - Dead on the spot ang driver ng isang Tamaraw FX habang limang pasahero nito ang nasawi rin matapos silang salpukin ng isang truck sa Maharlika Highway, Bamban, Gumaca, Quezon nitong Sabado ng umaga.

Tatlong iba pang sakay ng Tamaraw FX ang matinding nasugatan at kasalukuyang ginagamot sa Gumaca District Hospital.

Inaalam pa ng mga pulis ang pagkakakilanlan ng mga nasawi at nasugatan.

 

Ayon sa report ng Gumaca Municipal Police Station, patungo sa direksyon ng Bicol ang Tamaraw FX habang patungo naman sa Maynila ang truck nang mangyari ang salpukan bago mag-alas sais ng umaga.

Sinubukan pa raw iwasan ng Tamaraw FX ang truck subalit napuruhan pa rin ito.

Wasak at animo'y niyuping lata ang Tamaraw FX.

Naging pahirapan rin ang pag-rescue sa mga sakay nito dahil sa pagkakaipit ng mga ito sa bakal.

Agad namang sumuko ang driver ng truck na kinilalang si Gerome Villar.

Hawak na siya ngayon ng Gumaca Police. —KG, GMA News