Isang lalaki ang nagtamo ng mga saksak sa katawan matapos na mabisto ng suspek na tine-text ng biktima ang kaniyang ka-live in na babae sa Pasuquin, Ilocos Norte. Ang suspek, tinext ang biktima na magkita sila gamit ang cellphone ng babae.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, kinilala ang biktima na nagtamo ng mga saksak pero nakaligtas na si Christian Jay Cacal.
Naaresto naman ang suspek na si Orlando Tabay, na umamin umano sa nagawang krimen.
Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na nakita ni Tabay ang mga text ni Cacal sa kaniyang ka-live in. Gamit ang cellphone ng babae, itinext ng suspek ang biktima na magkita sila.
Nang magkita ang dalawa, doon na pinagsasaksak ng suspek ang biktima. Pero kahit sugatan, nakatakbo pa rin si Cacal upang humingi ng tulong.
Naaresto naman kinalaunan si Tabay at inamin selos ang dahilan kaya niya nagawa ang krimen.
Mahaharap si Tabay sa kasong frustrated homicide.--FRJ, GMA News
