Isang tricycle driver na nag-aabang ng mga pasahero sa Laoag City, Ilocos Norte, ang nasugatan matapos tagain habang nakapila sa terminal. Ang suspek, dati na raw nabu-bully kaya laging may dalang itak.
Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Biyernes, kinilala ang biktima na si Julian Sebastian. Naaresto naman matapos kuyugin ng mga tao ang 57-anyos suspek na si Stevenson Ramos.
Sa kuha ng CCTV, makikita si Ramos na lumapit kay Sebastian habang nasa terminal at biglang inundayan ng taga sa braso.
Nagawa namang makatakbo si Sebastian para humingi ng tulong habang hinahabol pa rin siya ni Ramos.
Nang makakuha ang tiyempo ang mga tao, doon na kinuyog si Ramos na nagtamo rin ng sugat sa ulo.
Paliwanag ni Ramos, sinigawan siya ni Sebastian habang tumatawid sa kalsada kaya siya nagalit at kumuha ng itak para ito tagain.
Dati na rin daw siyang binu-bully ng mga tricycle driver sa lugar kaya palagi siyang may dalang itak.
Sa kabila ng nangyari, nagkaayos ang dalawa ay hindi na kinasuhan ng biktima si Ramos.-- FRJ, GMA News
