Isang bangkay ang nakuha ng Philippine Coast Guard sa Binangonan, Rizal nitong Linggo.

Natagpuan ang bangkay na palutang-lutang sa tubigan malapit sa Batasin Area sa Sitio Wawa sa Barangay Libis, ayon sa post ng PCG sa kanilang Facebook account nitong Martes.

Hindi pa nakikilala ang bangkay.

Ayon sa PCG, pinuntahan ng mga tauhan ng Coast Guard Sub-Station (CGSS) sa Talim Island ang lugar kasama ang dalawang barangay officials matapos makatanggap ng ulat mula sa isang concerned citizen.

Nagsagawa ng search at retrieval operations ang CGSS.

Unang dinala ang bangkay sa Binangonan Pritil Wharf para sa imbestigasyon, at pagkatapos ay sa punerarya. —KG, GMA News