Namatay noong Sabado ng gabi ang isang 54-anyos na lalaki sa Candelaria, Quezon matapos itong makaranas ng panghihina, paninigas ng kalamnan, pagsusuka at pagkahilo.
Sa isang pagamutan sa Candelaria, nasawi ang biktima na kinilalang si Ernesto Aguilar.
Isinugod din sa pagamutan sa Candelaria ang anim na iba pa na dumanas din ng panghihina, paninigas ng kalamnan, pagsusuka at pagkahilo.
Ang nasawi at ang mga naospital ay nag-inuman umano noong Huwebes ng gabi. Lambanog na binili sa isang tindahan sa Candelaria ang ininom ng mga biktima.
Ayon sa report ng Candelaria Municipal Police Station, Biyernes pa raw ng umaga dumadaing ang magkakamag-anak pero Sabado na sila nadala sa pagamutan.
Dalawa sa mga biktima na isinugod sa ospital ay nasa kritikal na kondisyon at nasa ICU, ayon kay Police Lieutenant Colonel Jezreel Calderon, hepe ng pulis-Candelaria.
Ang iba pang apat na naospital ay nakalabas na raw nitong Linggo ng umaga, dagdag niya.
Kinilala ang mga nasa ICU na sina Fernando Aguilar, 53-anyos at Christian Aguilar, 25-anyos.
Agad raw na nag-utos ang LGU Candelaria na pansamantalang ipasara ang tindahan na pinagbilhan ng lambanog.
Isasailalim sa autopsy sa Linggo ng gabi ang bangkay ng nasawi.
Kumuha na ng sample ang Philippine National Police ng lambanog na ininom ng mga biktima. —LBG, GMA News

