Wala umanong permit mula sa Food and Drug Administration ang lambanog na ininom ng ilang lalaki sa Candelaria, Quezon nitong Huwebes, ayon sa pulisya.
Base sa inisyal na imbestigasyon, nabili raw ang nasabing lambanog sa isang tindahan sa Quezon na siya ring manufacturer nito, ayon kay Police Chief Inspector Michael Encio ng Candelaria Municipal Police Station (MPS).
Napag-alaman daw nila na wala pala itong kaukulang permit mula sa FDA.
Kasalukuyan pang ipinagpapatuloy ang imbestigasyon.
Kumuha na raw sila ng sample ng nasabing lambanog upang ipasuri ito.
Pansamantala raw nilang ipinasara ang tindahan ng lambanog habang gumugulong ang imbestigasyon.
Nitong Sabado ng gabi ay namatay ang 54-anyos na si Ernesto Aguilar sa Candelaria, matapos makaranas ng panghihina, paninigas ng kalamnan, pagsusuka at pagkahilo.
Kritikal naman ang kanyang kapatid na si Fernando Aguilar at ang anak ni Fernando na si Christian Aguilar, na parehong taga-Barangay Sta. Catalina Sur sa Candelaria.
Nakaranas din ng pamamanhid ng kalamnan, panghihina, pagsusuka at pagkahilo ang mag-amang Fernando at Christian isang araw matapos silang uminom ng lambanog kasama si Ernesto.
Nag-inuman ang magkakamag-anak nitong Huwebes ng gabi dahil birthday ng anak ng isa sa mga biktimang nakaligtas.
Binili raw ang lambanog sa karatig na barangay.
Ang lambanog na gawa sa buko ang pangunahing alak na paboritong inumin sa lugar.
Lahat ng 14 na magkakainuman ay nakaramdam ng hindi maganda at nagpadala sa pagamutan.
Sampu sa kanila ay pinayagan na ng doktor na makauwi dahil naagapan ang mga ito at ngayon ay nasa maayos ng kalagayan.
Nasa ICU sa mga oras na ito si Fernando at Christian habang naka-burol naman sa kanilang tahanan si Ernesto.
Ayon sa asawa ni Christian na si Ronneth, kinakitaan daw ng mataas na methanol ang katawan ni Christian. Sobrang baba raw ng blood pressure nito. Nalason na raw ang buong katawan ng kanyang asawa.
Si David Aguilar na siyang bumili ng lambanog ay maayos na ang kalagayan. Hindi na raw siya muli iinom ng lambanog dahil sa hirap na kanyang sinapit. —KG, GMA News
