Buhay ang naging kapalit nang mabilis na pagpapatakbo ng isang tricycle driver sa kaniyang sasakyan na tumagilid sa pakurbang bahagi ng kalsada sa Batac, Ilocos Norte at sumalpok sa kasalubong na kotse.
Sa ulat ni Emil Sumangil sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, sinabing nagtangkang unahan ng tricycle driver na si Howard Castro ang isa pang tricycle sa pakurbang bahagi ng isang kalsada na dahilan para mawalan ito ng balanse at tumagilid.
Sa kasamaang palad, may paparating na kotse sa kabilang linya at sumalpok ang tricycle ni Castro.
Dead on arrival sa ospital si Castro habang kritikal ang lagay ng kaniyang angkas.
Nasa kustodiya naman ng pulisya ang driver ng kotse habang patuloy ang imbestigasyon sa insidente.
Sa Bustos, Bulacan naman, patawid na sana ang isang tricycle at motorsiklo nang bigla silang mabangga ng humaharurot na kotse.
Ayon sa pulisya, hindi nakalkula ng driver ng kotse ang tinatahak niyang kalsada kaya ito nakabangga ang biktima.
Sinagot ng driver ng kotse ang pagpapagawa sa tricycle at pagpapagamot sa biktima.--FRJ, GMA News
