Kalunos-lunos ang sinapit ng isang babae na ginilitan ng mga lalaking nanloob sa kanilang bahay sa Rodriguez, Rizal. Ang biktima, nagtangkang takasan ang mga kawatan pero hinabol siya at inabutan sa itaas ng bahay.
Ayon sa ulat ng sa GMA News TV “Quick Response Team” nitong Lunes, kinilala ang nasawing biktima na si Maribel Cruz.
Lumitaw na unang inatake ng mga salarin ang kapatid ni Maribel na si Maricel na binusalan ng mga kawatan at itinali ang mga kamay at paa.
Pero nang matanggal niya ang takip sa kaniyang bibig, doon siya nakasigaw para humingi ng tulong pero sinaktan siya hanggang mawalan ng malay.
Hinabol naman ng isa pang salarin si Maribel na umakyat sa kaniyang kuwarto. Nang abutan, doon na siya ginilitan na sanhi ng kaniyang pagkamatay.
Nang magkamalay naman si Maricel, nakabalot na siya ng kumot at nagpanggap na lang siyang patay para makaligtas.
Ayon sa barangay tanod na si Joselito Gerolao, na kabilang sa unang rumesponde sa krimen, nakalabas ng bahay si Maricel at nakahingi ng tulong sa security guard ng subdibisyon kaya naalerto na sila sa nangyari.
Panawagan ni Maricel, mabigyan ng hustisya ang kaniyang kapatid at matulungan silang maaresto ang dalawang salarin.
Ayon sa ulat, tumanggi umano ang pulisya ng Rodriguez na magbigay ng pahayag habang patuloy ang isinasagawa nilang imbestigasyon.—NB/FRJ, GMA News
