Kabilang ang mga bata sa mga naging biktima na naman ng paputok sa pagsalubong sa bagong taon. Sa Laoag, Ilocos Norte, isinugod sa ospital ang isang 11-anyos na lalaki matapos siyang masabugan ng baby rocket sa mukha.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Miyerkoles, inilahad ng ama ng 11-anyos na biktima na sinindihan ng bata ang baby rocket nang bigla itong sumabog.

Mabuting hindi napuruhan ang mata ng bata kaya nakauwi rin siya kaagad matapos na malapatan ng lunas.

Sinabi ng bata na binili niya ang baby rocket sa kaniyang pinsan, bagay na hindi alam ng kaniyang ama.

Sa ospital din ang bagsak ng walong-taong-gulang na lalaki sa Bangued nang masugatan ang apat niyang daliri dahil sa napulot na piccolo.

Ayon sa ama ng bata, napulot ng anak ang paputok ilang metro ang layo mula sa kanilang bahay.  Nang sindihan ito ng bata, naiwan sa kaniyang kamay ang piccolo at pumutok.

Ayon sa ama ng bata, ibinili niya ng torotot ang anak dahil pinagbawalan niya itong paputok.

Sinabi ng Abra Provincial Hospital na apat na biktima ng paputok ang itinakbo sa kanilang ospital.

Dalawa sa mga isinugod ang biktima ng piccolo, samantalang nabiktima naman ng kwitis at 5-star ang dalawa pa.-- Jamil Santos/FRJ, GMA News