Lodi noypi ang isang dalagitang hindi nagdalawang-isip magbalik ng napulot na wallet sa Baao, Camarines Sur, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Huwebes.

Naglalakad ang Grade 8 student na si Julienne Faye Bricenio nang mapansin ang pitakang nasa gitna ng kalsada.

Nang silipin ang wallet, doon niya nakita na may laman itong P6,000 at ang ID ng may-ari nito.

Nang hindi bumalik ang may-ari, dinala na nila sa estasyon ng pulis ang pitaka at na-contact ang may-aring si Janice Tapon. Napag-alamang pang-media noche pala ang perang laman ng wallet.

Naibalik naman ito sa pamilya ng may-ari.

Labis ang pasasalamat ng ina ng may-ari ng pitaka sa loding estudyante. —KBK, GMA News