TALISAY CITY, Cebu - Patay ang isang 15-anyos na estudyante ng Grade 9 sa Talisay City, Cebu nitong Huwebes ng gabi matapos umanong suntukin ng 18-anyos na kaklase.

Kinilala ang suspek na si Cegie Cristuta Gallicia, 18, residente ng Talisay City.

Ang biktima naman ay nakilalang si Nash Empaces.

Ayon kay Police Senior Master Sergeant Alfredo Ygot Mandal ng Talisay City Police Station, bullying ang dahilan umano ng insidente.

Kalbo raw kung kutyain umano ng suspek ang biktima habang bakla naman daw ang bansag ng biktima sa suspek.

Pero ang umano'y pambu-bully ng dalawa sa isa't-isa tila hindi nakayanan ng suspek dahil sinuntok umano nito ang biktima sa batok at sa may tiyan nito pasado alas-9 ng gabi nitong Huwebes.

Dahilan ito ng pagbagsak ng biktima at sinasabi ding nabagok ang ulo nito sa semento.

Sinasabi ding matagal nang may sama ng loob umano ang dalawa sa isat-isa.

Ayon sa mga magulang ng biktima, sinubukan nilang kontakin ang kanilang anak ng gabing iyon para pauwiin na ito galing sa isang exam.

Laking gulat nila nang ibang tao na ang sumagot sa kanilang tawag.

Sinabihan sila ng taong nakausap nila na hirap nang huminga ang biktima at wala na rin daw itong  malay.

Agad silang nagtungo sa lugar ng pinangyarihan at nadatnan nilang wala nang malay ang biktima.

Agad nilang dinala ito sa ospital ngunit idineklara itong dead on arrival.

Nahaharap ang suspek sa kasong homicide.

Tumanggi ang suspek na magbigay ng pahayag. —KG, GMA News