PAGADIAN CITY - Maingay at makulay ang naging pagsalubong sa Chinese New Year sa Pagadian City nitong Biyernes.

Ang nasabing pagdiriwang ay magkatuwang na inorganisa ng local government ng Pagadian at ng Filipino-Chinese community.

Ang pagdiriwang ay sumentro sa Taclobo Stage sa sikat na Plaza Luz ng lungsod kung saan damang-dama ang pagkakaisa ng mga dumalong residente at Filipino-Chinese.

Naging pambungad sa pagdiriwang ang maikling programa na sinundan ng nakakatuwang pagtatanghal ng mga batang estudyante at tsikiting mula sa Pagadian Chinese Chamber School na nagpamalas ng kanya-kanyang husay sa pagsayaw ng tradisyonal na Chinese dance.

Mayroon ding nagpamalas ng kantang Chinese.

Pero ang pinaka-agaw eksena sa lahat ay ang pagtatanghal ng lion at dragon dance na pinaniniwalaang pantaboy ng malas.

 

Masayang ipinagdiwang ng mga taga-Pagadian City ang Chinese New Year nitong Biyernes, Enero 24, 2020, sa Plaza Luz sa lungsod. Aude Hampong

 

Bukod sa Filipino-Chinese community, libo-libong mga residente rin ng lungsod ang nakiisa sa pagdiriwang.

Isa na rito sina Rhina Bagang at Riza Elemento na taon-taon nang kinaugalian na dumalo sa naturang pagdiriwang.

Hangad ni Pagadian City Mayor Samuel Co sa Chinese New Year na magkaisa ang lahat ng mga residente at grupo para sa ikauunlad pang lalo ng lungsod.

“Muslim even the Subanon group so that the people of Pagadian will work together and bring the city of Pagadian as the most progressive city in Mindanao," ani Co.

Kasama ang mga Tsinoy, namigay ng “ampao” na may lamang pera si Co at si Zamboanga del Sur Governor Victor Yu sa mga dumalong residente.

Naghandog rin ng groceries ang LGU na pinilahan ng daan-daang katao.

Dahil Year of the Metal Rat, hindi nawala ang mga naglalakihang replica ng mga giant na daga sa plaza.

May mga maliliit at higanteng Chinese ball din na nagkalat sa paligid ng plaza.

Tampok sa naturang pagdiriwang ang pagkakaroon ng motorcycle, tricycle at car show kung saan ibinida ang luma at bagong sasakyan gaya ng mga motorsiklo, pampasaherong tricycle, sportscar at monster truck.

Nagtapos ang naturang pagdiriwang sa pamamagitan ng musical dancing fountain na sinabayan ng engrandeng fireworks display na talaga namang kinaaaliwan at inabangan ng lahat. —KG, GMA News