Isang sunog na bangkay na hindi na makilala ang natagpuan sa isang bakanteng lote sa loob ng isang subdivision sa Barangay Ungka sa Pavia, Iloilo. Malapit sa bangkay, may nakitang ID ng isang graduating nursing student na nawawala at inaalam ngayon kung siya ang biktima.

Sa ulat ni Julius Belaca-ol sa GMA Regional TV One Western Visayas nitong Huwebes, ikinuwento ng isang residente na Miyerkoles ng madaling araw nang may makita siyang nasusunog sa gilid ng bakod na inakalang mga nasusunog na damo lang.

Pero makarating na sila malapit sa nasusunog, napansin na nila ang natutupok na bangkay kaya ipinagbigay-alam nila ito sa mga awtoridad.

Ilang gamit ang nakita ng mga pulis malapit sa lugar, kabilang ang isang cellphone, at ID ng isang residente na taga-Roxas City sa Capiz.

Ayon sa source, isang pamilya ang nagtungo sa pulisya at kinumpirma na pag-aari ng nawawala nilang kaanak ang nakitang mga gamit malapit sa sunog na bangkay.

Hinala ni Police Capt. Ritz Field Presquito, hepe ng Pavia Municipal Police Station, posibleng residente sa subdivision ang gumawa ng krimen.

Hindi rin inaalis ang posibilidad na pinatay sa ibang lugar ang biktima at sa loob lang ng subdivision sinunog.

Maaari din umano na dalawang tao ang gumawa ng karumal-dumal na krimen.

Napag-alaman din ng pulisya na inihayag ng mga tauhan ng funeral parlor na kumuha sa bangkay na amoy gasoline ito.

Nakikipag-ugnayan ang pulisya upang mabuksan ang cellphone na nakita sa lugar sa pag-asang may makukuha sila ritong impormasyon na makatutulong sa isinasagawa nilang imbestigasyon.

Samantala, magsasagawa naman ng DNA test sa sunog na bangkay na ihahambing sa ina ng nawawalang 22-anyos na lalaki, isang graduating nursing student sa isang unibersidad sa Iloilo City.

Batay sa mga nakuhang impormasyon ng pulisya, umalis ang estudyante sa tinutuluyan nito sa Caingin, La Paz noong April 28, 2026, at hindi na nakabalik pa.— FRJ GMA News