Patay sa pamamaril ang isang kapitan ng barangay sa Santa Rosa, Laguna, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Martes.
Tinambangan si Barangay Captain Christopher Dimaranan habang nagmamaneho sa Laguna Boulevard. Hinarang siya ng isang SUV at pinagbabaril ng tatlong armadong lalaki.
Labinlimang tama ng bala ang tinamo ni Dimaranan habang nakaligtas naman ang dalawa niyang kasamahan.
Nakuha sa crime scene ang mga basyo ng M-16 armalite. Nakuha rin ang mga dokumento at baril na pag-aari naman ni Dimaranan.
Inaalam na ng pulisya ang pagkakakilanlan ng mga salarin at motibo sa krimen. —KBK, GMA News
