Isang 17-anyos na ginang at tatlong-buwang-gulang niyang anak ang nasawi matapos suyurin ng isang truck na may kargang backhoe ang ilang motorista at establisimyento sa Bulacan. Ang lugar na niragasa ng truck, nagmistulang demolition area.

Sa ulat ni Chino Gaston sa GMA News "24 Oras" nitong Martes, ipinakita ang kuha ng video nang biglang lumihis sa linya ng kalsada ang truck at tumbukin ang lugar na kinaroroonan ng mga biktima sa Barangay Santo Cristo sa San Jose del Monte, Bulacan.

Ang mga tao, nagkagulo sa paghahanap sa mga nahagip ng truck kasama ang nasawing mag-ina na pumailalim sa mismong truck.

Ayon sa isang residente, may nadinig pang umiiyak sa ilalim ng truck pero kinalaunan ay tumigil na.

Sa tala ng pulisya, siyam na iba ang nasugatan, kabilang ang isang siklista at isa pang babae na dinala sa iba't ibang pagamutan. 

Sa tindi ng pagragasa ng truck, halos mawasak ang unahang bahagi ng isang kotse at nagkasira-sira ang ilang establisimyento.

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa nangyaring insidente.--FRJ, GMA News