Dahil sa bugbog ng kaklase, nagkahematoma o pamumuo ng dugo sa likod ang isang babaeng graduating student sa Nueva Ecija. Ang ugat ng away: selos.

Sa ulat ni Nico Waje ng Stand For Truth sa 24 Oras Weekend nitong Sabado, ipinakita sa isang kuha ng video na nagkumpulan ang mga estudyante sa isang bahaging ng  subdivision sa Cabanatuan, Nueva Ecija.

Ang isang babae, lumapit sa isa pang babae, sabay sabunot, untog, suntok at tadyak sa biktimang kaklase pala niya.

Umawat ang iba pa nilang kaklase pero bumalik ang babae at muling sinabunutan ang biktima.

Inawat siya ulit pero tinuloy lang ng isang estudyante ang pananakit.

Ang biktima, nagtamo ng bukol, sugat sa mukha at pasa sa likod. Base sa medico legal report, nagkaroon din siya ng hematoma sa likod.

Ayon sa biktima, selos ang pinag-ugatan ng pananakit.

Mahigit dalawang linggo na nang mangyari ito pero sariwa pa rin ang sakit sa biktima.

"Masakit siyempre, at hindi ako nakakatulog sa gabi dahil do'n... hindi pa rin ako makapaniwala na nangyari sakin 'yon," sabi ng biktima.

"Masakit para sa akin, mabugbog 'yung anak ko ng ganon lang. Masakit para sa akin," pahayag naman ng ama ng biktima.

Dahil din sa pangyayari, natagalan bago muling nakapasok sa paaralan ang biktima na graduating student pa naman.

Desididong magsampa ng reklamo ang pamilya ng biktima.

"Ire-refer natin sila sa pulis for filing ng case. Then pagkayari sa pulis, I-file ito sa fiscal. Sa fiscal magkakaroon ng preliminary investigation... puwedeng ibalik sa amin ng fiscal for community intervention," ani Social Welfare officer Ann Frances Pablo.

Tumangging humarap sa camera ang kabilang panig. Pero ayon sa mga magulang ng nanakit, nagsisisi ang kanilang anak.

?Sila rin daw ang sumagot sa pampa-ospital ng biktima.

?Bagamat sa labas ng eskuwelahan naganap ang insidente, tiniyak pa rin ng pamunuan ng paaralan na hindi nila ito kukunsintihin.

"Ilang beses po naming sinasabi sa mga bata na igalang, irespeto ang buhay, irespeto ang integridad at dignidad ng bawat isa," sabi ni Vera Borromeo, presidente ng ISAIA of Nueva Ecija. — MDM, GMA News