Isang lalaki na inaresto ng mga pulis dahil sa pagbebenta ng mga hindi lisensiyadong baril sa Cavite ang natuklasang sangkot din sa pagnanakaw at panggagahasa pa ng isang 22-anyos na dalaga na nakatira sa isang bahay na kanilang nilooban.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team," naaresto ang suspek na si Ronila Endrina, nang salakayin ng mga awtoridad ang isang bahay sa Imus, Cavite.

Nakita sa bahay ang iba't ibang kalibre ng baril, granada, mga gamit at mga susi ng sasakyan.

Bukod kay Endrina, dinakip din ang dalawang kasama niya na sina Renando Rabino at Romeo Fernandez, na itinangging may kinalaman sila sa ginagawa ng una.

Pero maliban pala sa pagbebenta ng mga baril, nadiskubreng sangkot din si Endrina sa panggagahasa at serye ng pagnanakaw sa Amadeo at Kawit.

Lumutang sa himpilan ng pulisya ang isang mag-anak sa Kawit na nilooban daw ni Endrina noong Enero 28, at hinalay ang 22-anyos na dalaga na nakatira sa bahay na pinasok niya.

Aabot umano sa kalahating milyon na halaga ng pera, alahas at gamit ang nakulimbat ni Endrina sa bahay.  Pinagbantaan din niya ang dalagang ginahasa niya na papatayin at mga nakababatang kapatid nito.

Nakilala raw si Endrina ng kaniyang biktima nang ibenta nito ang nakuhang "tablet."  Pero nalaman ng nakabili sa gamit na nakaw ito kaya nagsumbong sila sa ninakawang mag-anak.

Positibo ring kinumpirma ng mga biktima niya sa Amadeo na sa kanila ang ilan sa mga gamit na nakuha kay Endrina.

Inamin na ni Endrina ang mga reklamo at mahaharap siya sa patung-patong na kaso.--FRJ, GMA News