Nahulog sa hukay ang isang tricycle matapos itong magtangkang mag-overtake sa isang pampasaherong jeep sa Bulakan, Bulacan.
Sa ulat ng GMA News "Unang Balita" nitong Huwebes, makikita sa CCTV sa Barangay Matungao na bumangga ang tricycle sa gilid ng jeep bago tuluyang mahulog sa ginagawang hukay.
Sa tulong ng mga saksi, nakalabas ang babaeng pasahero ng tricycle mula sa hukay.
Bumaba rin ang driver ng jeep para tumulong sa pag-angat sa tricycle.
Ligtas ang babaeng pasahero, samantalang nagkaroon ng gasgas ang tricycle driver.
Sasagutin umano ng tricycle driver ang bayarin sa pinsalang tinamo ng jeep. —Jamil Santos/NB, GMA News
