ILIGAN CITY - Labing-tatlong sundalo at limang tauhan ng Citizen Armed Force Geographical Unit (CAFGU) ang nasugatan nang mahulog ang isang Army truck sa bangin sa Iligan City nitong Biyernes ng gabi.
Nangyari ang aksidente bandang alas-sais ng gabi sa Barangay Lanipao.
Ayon kay Lieutenant Colonel Domingo Dulay Jr., commanding officer ng 4th Mechanized Infantry Battalion, galing sila sa People's Day sa Barangay Kalilangan na dinaluhan din ni Iligan City Mayor Celso Regencia.
Isang platoon ng mga sundalo at mga kasamang CAFGU ang sakay ng truck na inatasang i-secure ang daan.
Ito raw ang pinakahuli sa 30 na sasakyan sa convoy, ayon kay Dulay.
Nang pauwi na sila, biglang lumakas ang ulan at naging madulas ang daan.
Ito raw marahil ang dahilan kaya't nawalan ng kontrol sa truck ang sundalong nagmamaneho nito.
Nasa ospital na ang mga sundalo at CAFGU na medyo matindi ang sugat. Ang iba na slightly wounded ay hindi na dinala sa ospital.
Naaksidente rin daw ang nag-rescue na sasakyan ng City Disaster Risk Reduction and Management Office. Nabalian ng kamay ang isa sa mga sakay nito. —KG, GMA News
