Nakahanap ng paraan ang lokal na pamahalaan ng Bacoor, Cavite  para maipatupad ang social distancing sa mga namamalengke at mabisto ang mga pagala-gala lang habang ipinatutupad ang enhanced community quarantine.

Ayon sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News' "24 Oras" nitong Lunes, nilagyan ng mga bilog na marka sa mga kalsadang malapit sa mga pangunahing pamilihan na tinatawag na "Circle of Life."

Hindi lamang sa mga palengke makikita ang mga bilog kung hindi maging mga grocery, money remittance centers, pharmacy at mga bangko.

May isang metro ang layo ng mga bilog sa bawat isa upang masiguro na inoobserbahan ng mga mamimili ang social distancing laban sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).

"Ito ay tinawag nating 'Circle of Life' na sila (mga tao) na ang kusang tumutungtong sa mga bilog at 'pag mayroon nang lumabas doon sa palengke at tsaka uusad 'yong mga nakatayo sa bilog so naging organized na,"ani Police Lieutenant Colonel Vicente Cabatinga ng Bacoor Philippine National Police.

Kung dati raw ay punuan at magulo sa Zapote Market, ngayon ay maluwag na raw at maayos na ang daloy ng mga mamimili.

Ayon kay Cabatinga, paraan din daw ito para madaling matukoy ng mga pulis kung sino 'yong talagang may mahalagang pakay sa kalsada at 'yong mga tumatambay lang.

"'Pag nakita naming 'di siya nakatayo doon sa bilog, alam namin na siya ay magwi-withdraw o magpapadala. Unlike before na halos lahat ng madaanan namin is binababaan namin," ani Cabatinga.

Pabor naman ang mga residente ng Bacoor dahil maganda ang naging resulta nito.

"'Yong mga tao, nagkaroon ng disiplina. 'Di na nagdidikit-dikit," sabi ng isang residente.

Mayroon ng 34 kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Bacoor simula noong Abril 17.

Samantala, sa buong bansa, umakyat na sa 6,459 ang kaso ng COVID-19. 428 na ang namatay at 613 na ang gumaling.-- Ma. Angelica Garcia/FRJ, GMA News