Putok ang noo, nalagasan ng ngipin at nagtamo ng mga galos at pasa sa katawan ang dalawang barangay tanod sa Baliuag, Bulacan matapos silang gulpihin ng mga kaanak ng isang lalaking sinita nila dahil pagala-gala umano habang ipinatutupad ang enhanced community quarantine.

Ayon sa ulat ni Mark Salazar sa GMA News "24 Oras" nitong Miyerkules, kinilala ang mga nasugatang tanod na sina Hilario Angeles at Osias Angeles, ng Barangay Pinagbarilan.

Nag-ugat daw ang insidente nang sitahin ni Hilario ang isang kalugar nila na nasa lansangan.

"Ang sabi ko bakit hindi sa loob ng bahay mamahinga. Ang sabi niya eh, ano ang pakialam mo sa amin. E'di siyempre medyo nag-ano ako, [ikaw] murahin," sabi ni Angeles na nalagasan ng ngipin.

"Hinawakan ko siya sa braso, sabi ko 'tara sa barangay.' Nung hinawakan ko nag-pumiglas, sir. Tumakbo," idinagdag nito.

Hinabol ng dalawang tanod hanggang sa bahay ang maangas umanong ECQ violator pero doon na sila kinuyog ng mga kaanak nito.

"Siyempre napataoob na ko. Eh medyo may edad na tayo, mga kabataan sila, ayun, doon na nila ako dinapupol, pinagta-tadyakan nila ko," sabi pa ni Hilario.

Si Osias naman, hinampas umano ng bato sa noo kaya nagtamo siya ng sugat na kinailangang tahiin.

"Nakikita ko po'ng ginugulpi na 'yung aming deputy. Tutulungan [ko] po. Bigla na lang po'ng may kumapak sa mukha ko na lahi din nila, eh. Bato po'ng malaki, eh, ang pagkaka-ano...duguan nga," sabi ni Osias.

Hinuli na ng mga awtoridad ang pamilya na binubuo ng isang ama, ang kanyang tatlong lalaking anak, at pamangkin. Kinasuhan sila ng assault, resisting arrest, disrespect for authority, at ang paglabag sa Bayanihan Act.

Problemado ngayon sila dahil tig-P51,000 ang kailangan nilang ibayad na piyansa sa bawat isa para makalabas ng kulungan.

Depensa ni Angeline De Lima, na kaanak ng mga inaresto, nagmalabis raw ang mga tanod na pumasok sa loob ng kanilang bahay.

"Humihingi naman po kami ng pasensya dahil po sa nagawa ng kapatid ko na lumabas po para po manghiram lang po ng gamit. Eh, ganoon na po 'yung ginawa nila sa amin," sabi niya.

Humihingi siya ng tulong para mapiyansahan ang kaniyang mga kaanak.

Ayon naman sa barangay chairman Danilo Bugay, hindi raw ito ang unang beses na nasita ang pamilya sa kanilang paglabas sa kalsada.

"Madalas dumaan, walang facemask, pababalik-balik, walang quarantine pass. Laging nasisita at napagsasabihan," anang kapitan. "So talagang ganoon sila, gumagawa ng maraming dahilan para makapasok makalabas pero meron tayo kasing goal na pinatutupad.

Bagama't walang coronavirus disease 2019 (COVID-19) na kaso sa barangay, mayroon raw silang dalawang suspect at isang probable case.--Joahna Lei Casilao/FRJ, GMA News