Laking gulat at dismaya ng ilang nakatira sa isang relocation site sa Naic, Cavite nang bawiin umano ng mga kawani ng lokal na pamahalaan ang mga bigas na ipinamahagi sa kanila.

“Sobrang init po noong oras na ‘yon eh. Nabilad na po kami sa init at tsaka nauwi na ‘yong bigas tapos babawiin pa,” pahayag ni Bonilyn Burgos, residente ng Barangay Malainen, sa ulat ni Oscar Oida sa GMA news "24 Oras" nitong Lunes.

Ayon kay Burgos, binawi raw ang mga bigas na kalahating kaban isang araw matapos itong imahagi sa kanila dahil benepisaryo na raw sila ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps).

“Nadismaya po kasi hindi naman po nila agad sinabi na ‘yong mga 4Ps member po hindi na kasali sa mga makakakuha ng bigas,” dagdag ni Burgos.

Isa si Burgos sa mga informal settlers na inilipat sa naturang lugar mula sa Tondo, Maynila.

Pero paliwanag ni Naic Mayor Jun Dualan, nagkaroon lang ng kalituhan nang malaman ng kaniyang mga frontliner na nakatanggap na ng ayudang pinansiyal mula sa 4Ps ang mga nasabing residente.

“Hindi ko alam na sila pala, doon sa 700 families na nandoon, may 4Ps. Kasi bagong dating lang sila sa’min eh so ‘di ko alam na 4Ps sila kung saan sila galing at wala rin namang nabigyan sa kanila ng SAP (social amelioration program)," anang alkalde.

"Lately na lang nang malaman ko na may sobra pala kaming bigas doon sa pinamigay dahil daw maraming nagsauling 4Ps, ‘yon pala may 4Ps na mga informal settler,” dagdag niya.

Ayon pa kay Dualan, hindi niya pinabawi ang mga bigas dahil ang mga tauhan niya ang namamahala sa pamamahagi nito para marami ang maayudahan.

Gayunman, nagkaroon na raw ng pag-uusap at makatatanggap na muli ng ayuda ang lahat.

"Sabi ni mayor ang 4Ps at nakakuha ng SAP ay maayudahan na ulit lahat. Sabi nga po niya hanggang tatlong ayuda pa po kami ang pangako niya po,” sabi naman ni Ernesto Bueles, lider ng mga informal settler. --FRJ, GMA News