Dalawang serval cat na itinuturing "wild cat" na tila maliit na tigre ang hitsura ang nagdulot ng takot sa isang residente nang makita niyang palakad-lakad sa bakod ng bahay sa isang private subdivision sa Cainta, Rizal.
Nakawala umano ang dalawang pusa sa may-ari nito na matagal na umanong inirereklamo ng mga residente sa kanilang homeowners' association dahil sa ingay at masamang amoy na dulot ng mga hayop, ayon sa ulat ni Cedric Castillo sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources, maituturing wild cat ang serval cat at hindi dapat inaalagaan sa bahay.
Iimbestigahan umano nila ang naturang insidente.
Paliwanag naman ng may-ari ng mga pusa, mayroon permit ang kanilang mga pusa.
“We were able to retrieve the cat immediately and no one was harmed. This serval was born and raised here and has corresponding permits from DENR,” ayon sa may-ari.
Atraksyon daw nila ang mga pusa, kasama ang Savannah at Bengal cats sa kanilang cat cafe sa Quezon City, nagsara noong nakaraang taon.
Dadalhin daw sana nila ang mga hayop sa kanilang farm sa Batangas pero hindi natuloy dahil sa pagputok ng bulkang Taal at nasundan ng implementasyon ng enhanced community quarantine.
“[W]e ask help from the authorities to grant us a pass so we can personally transport them to our farm in Batangas ASAP,” ayon sa may-ari ng mga pusa, na humingi ng paumanhin sa idinulot na abala ng kanilang mga alaga.--FRJ, GMA News
