Isang babaeng COVID-19 patient ang tumakas habang nasa isang quarantine facilty sa Davao City, ayon sa ulat ng Dobol B sa News TV nitong Lunes.

Ayon kay Raul Tolibas ng RGMA Davao, kinumpirma umano ni Davao City Mayor Sara Duterte ang pag-eskapo ng naturang pasyente sa Queensland Hotel sa isang panayam ng local radio.

Una umanong hiniling ng pasyente na payagan siyang makauwi pero hindi siya pinayagan. Ginawa umano nito ang pagtakas nitong Sabado sa pamamagitan ng pagdaan sa bintana ng hotel.

Pinuntahan umano ng mga pulis ang bahay ng pasyente sa Barangay 23-C pero wala ito roon.

Hiniling ng alkalde sa pasyente na bumalik na sa quarantine facility.

Sa ngayong umabot na sa mahigit 11,000 ang COVID-19 cases sa Pilipinas. --FRJ, GMA News