PAGADIAN CITY - Patay ang isang lalaki matapos na pagbabarilin sa Barangay Gatas, Pagadian City nitong Sabado ng hapon.

Kinilala ang biktima na si Ceasar Pentado, distributor na isang brand ng nutritional products, dietary supplements at skin care products.

Ayon kay Lieutenant Colonel Alvin Saguban, nasa Balamban Liempo Restaurant ang biktima at may ka-meeting bandang alas dos ng hapon.

Bigla raw dumating ang lalaking suspek at nakisali sa meeting pero kinalaunan ay binaril nito ang biktima.

Hindi natamaan ang biktima kaya't nakatakbo ito palabas ng restaurant.

Hinabol daw ang biktima ng suspek na patuloy sa pamamaril.

Nakapagtago raw ang biktima sa isang bakanteng lote pero nasundan pa rin ito ng suspek. Doon na siya pinagbabaril hanggang sa mamatay.

 

Sa isang bakanteng lote sa Barangay Gatas, Pagadian City pinagbabaril ng suspek ang biktimang si Ceasar Pentado nitong Sabado ng hapon, Mayo 23, 2020.  Aude Hampong

 

 

Hindi pa tiyak ni Saguban kung anong baril ang ginamit ng suspek at ilan ang tama ng biktima pero ayon sa mga residente, anim na sunud-sunod na putok ang umalingaw-ngaw.

Samantala, nakunan ng isang netizen gamit ang Facebook Live ang pagtakas ng suspek matapos ang pamamaril.

Ayon sa netizen, sakay sila ng SUV kasama ang kanyang pamilya nang makasalubong ang suspek.

Tinamaan pa nga raw ang kanilang windshield sa naturang pamamaril partikular sa harapang bahagi ng kanilang sasakyan pero masuwerteng walang tinamaan sa kanila.

Sampung segundo matapos tamaan ang kanilang sasakyan ay doon na raw niya na-record ang pagtakas ng suspek.

Sa FB Live, makikita ang tumatakbong suspek na naka-asul na sweatshirt na damit, naka-face mask at nakasuot ng sombrero.

Sumakay ng motorsiklong mag-isa ang suspek at pumaharurot ng takbo.

Hindi isinasantabi ng pulisya ang anggulong may kinalaman sa trabaho ng biktima ang nangyaring pamamaslang.

Posible ring kakilala raw ng biktima ang suspek.

“May galit talaga at determinadong papatayin siya. Posible rin na kakilala niya," ani Saguban.

Patuloy na kumakalap ngayon ang pulisya ng mga CCTV video sa lugar na makakatulong sa imbestigasyon. —KG, GMA News