Patay ang isa umanong rape suspek sa buy-bust operation sa bayan ng Lala sa Lanao del Norte nitong Sabado, ayon sa mga pulis.

Kinikilala ng mga awtoridad ang suspect na si Ricardo Pestañas, 51-anyos, na taga-Barangay Cabasagan, Lala.

Naganap ang operasyon ng mga pulis dakong 9:30 ng gabi sa Purok San Roque, Brgy. Tenazas, Lala.

Ayon kay Police Major Jonan Bañas, chief of police ng Lala, bago nila isinagawa ang buy bust operation, nagsumbong umano ang asawa at ang 15-anyos na anak ng suspek sa panggagahasa ng  ama sa menor de edad na anak.

Pahayag ng anak, 15 beses na umano siyang ginahasa ng kanyang tatay. At sa tuwing ginagawa ang kahalayan ay nagbabanta pa umano ito na papatayin silang mag-ina kung magsumbong sila sa pulis.

 

Photo courtesy: Police Major Jonan Bañas
Photo courtesy: Police Major Jonan Bañas

Kaya noong Biyernes, hindi na umano nila nakayanang itago pa ang panghahalay ng suspek.

Hindi na umano umuwi ang mag-ina mula noong Biyernes at siguradong papatayin sila ng suspek.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga pulis, lumitaw na nagbebenta rin umano ito ng shabu.

Agad na nagkasa ng buy-bust operation ang mga awtoridad at agad naman umanong kumagat ang suspek.

Nang malaman ng suspek na pulis ang kanyang katransaksyon, agad umuno itong bumunot ng baril at pinaputukan ang poseur-buyer, at mabuti na lamang umano at nasalag ng undercover ang kamay ng suspek.

Gumati ng putok ang mga pulis at tinamaan ang suspek. Isinugod pa umano ito sa ospital ngunit ideneklarang dead on arrival ng mga doktor.

Narekober sa crime scene ang isang improvised 12-guage pistol na may isang empty shell at dalawang 9mm fired cartridge cases.

Nakuha naman sa katawan ng suspek ang tatlong maliliit na sachet ng pinaghihinalaang shabu,  isang live na bala, mga pera, at ang marked money na ginamit sa buy-bust. —LBG, GMA News