Matapos ang halos dalawang taon na pagtatago, naaresto sa Las Piñas ang isang preso na tumakas sa isang kulungan sa Bacoor, Cavite. Ang suspek, naging manggagamot daw nang magtago sa lalawigan ng Quezon at kaya raw niyang magpagaling kahit ang mga tinamaan ng COVID-19.

Sa ulat ni Oscar Oida sa GMA News "24 Oras" nitong Lunes, sinabing naaresto nitong Sabado sa isang bahay sa Barangay Talon 1, ang suspek na si  Rolando Ramirez.

Kabilang si Ramirez sa 23 bilanggo sa isang kulungan sa Bacoor na tumakas noong July 2018.

Ayon kay Police Colonel Vicente Cabatingan, hepe ng Bacoor Police, nakatanggap sila ng impormasyon sa kinaroroonan ni Ramirez matapos na maging matunog ang pangalan niya bilang manggagamot.

Isang larawan umano ni Ramirez ang ipinadala sa kanila, at kahit naka-face mask ang lalaki sa larawan ay nakita nila ang pagkakahawig nito sa suspek.

Kaya nagsagawa ng pagmamanman ang mga awtoridad sa kinaroronan nito sa Las Piñas, at nang makumpirma na siya ang puganteng si Ramirez, isinagawa na ang pagsalakay.

Nang tumakas umano sa kulungan, nagtago umano si Ramirez sa Infanta, Quezon at doon na siya natutong manggamot.

Nagtungo raw siya sa Las Piñas nang humingi sa kaniya ng tulong para gamutin ang isang pasyente na positibo raw sa COVID-19.

"Yung kapatid niya po lumapit sa akin... Ginawa ko po binasbasan ko po yung pangalan niya. Kinabukasan po nung nabasbasan ko na po siya umokey na po yung pakiramdam niya. Wala na raw po siyang nararamdamang sakit," ayon kay Ramirez.

Sa ngayon, isa na lang daw sa 23 na tumakas na preso ang pinaghahanap ng mga awtoridad. --FRJ, GMA News