Pito umanong magnanakaw ang arestado sa magkakahiwalay na operasyon ng pulisya sa Bacoor, Cavite, ayon sa ulat ni Bam Alegre sa Unang Balita nitong Lunes.

Huli raw sa akto sa pamamagitan ng CCTV ang isa sa mga suspek. Kinilala siyang si Mark Da Silva na apat na beses na raw inirereklamo ng pagnanakaw sa kanilang lugar.

Isa lang si Da Silva sa tatlong suspek sa kasong armed robbery na naaresto sa magkakaibang operasyon ng pulisya noong meron pang enhanced community quarantine. Nasa kustodiya na sila ng Bureau of Jail Management and Penology ngayon.

Samantala, karagdagang apat pang suspek ang naaresto, kabilang ang magkapatid na Brian at John Ray De Mesa na No. 1 at 2 daw sa Most Wanted ng Bacoor.

Pinagbibintangan silang nagnakaw sa pinagtrabahuhang construction site bagama't itinanggi nila ito.

Tumanggi namang magbigay ng pahayag ang ibang suspek. --KBK, GMA News