Isang 15 anyos na babae ang ginilitan at pinagsasaksak sa Agusan del Norte dahil sa selos at ang suspek ay best friend daw niya, ayon sa ulat ni John Consulta sa Saksi Huwebes ng gabi.

Mag best friend sina Rakman Panondi, 22, at si "Gina" (hindi niya tunay na pangalan) pero nasubukan ang kanilang pagkakaibigan nang magkagusto sila sa isang lalaki.

Ayon kay Rakman, boyfriend na daw niya ang lalaking kasing edad ni Gina. Pero kalaunan na etsa pwera na siya nang magkagusto kay Gina ang kanyang boyfriend.

Ang atensyon ng lalaki natuon na kay Gina. At labis na kinaselos ito ni Rakman.

Ang selos nauwi sa krimen.

Natagpuang patay sa sementeryo si Gina. Ginilitan siya sa leeg at pinagsasaksak sa tiyan.

Ayon kay Police Major Renel Serrano, PRO13 spokesperson, naisampa na ang kaso laban sa suspek.

"Siya 'yung umamin na salarin sa naturang krimen, dahil nag execute siya (ng) extrajudicial confession subscribed by the public attorney's office assisted by his counsel," ayon kay Serrano.

Nahaharap sa kasong murder si Rakman. -- BAP, GMA News