Patay ang dalawang riders sa magkahiwalay na aksidente sa daan sa Ilocos Norte at sa Bacolod City; sugatan naman ang driver at pahinante ng isang closed van nang mabangga ng 6-wheeler truck sa General Santos City.

Sa ulat ng Unang Balita, sinabing dead on arrival sa ospital ang isang rider sa Piddig, Ilocos Norte nang madisgrasya sa daan.

Ayon sa mga pulis, galing sa isang party ang rider na walang helmet at posible umanong nakainom.

Dead on the spot naman ang isang rider sa Bacolod City nang sumalpok sa isang kotse ang kanyang motor.

Sa inisyal na imbestigasyon ng mga awtoridad, binabagtas ng rider at ng kotse ang Burgos Extension nang biglang mag-U-turn ang kotse dahilan upang masalpok ito ng motor ng rider.

Wala pang desisyon ang pamilya ng biktima kung magsasampa ng kasong reckless imprudence resulting in homicide laban sa driver ng kotse.

Samantala, sa General Santos City sugatan ang driver at pahinante nang salpukin ng 6-wheeler truck ang kanilang closed van.

Naipit ang driver sa manibela at pahirapan ang pagkuha sa kanya, ayon sa mga rumespondeng mga awtoridad. Sugatan naman ang pahinante.

Todo hingi ng paumanhin ang driver ang truck.

Iniimbestigahan na ang insidente para sa kaukulang mga reklamong ihaharap sa driver. —LBG, GMA News