Isang 3-anyos na bata ang nalunod, at daan-daang mga residente sa Davao City ang inilikas dahil sa pag-apaw ng Talomo River sa lungsod, bunsod ng malalakas na pag-ulan noong Martes.

Sa ulat ng "Unang Balita" nitong Huwebes sinabing nalunod ang isang 3-anyos na bata matapos mahulog sa rumaragasang tubig bunsod ng pag-apaw ng Talomo River.

Samantala, daan-daang mga residente ang inilikas dahil sa biglang pagragsa ng tubig-baha sa mga kabahayan kasunod ng malalakas na pag-ulan.

Ayon sa ulat, umabot sa 800 ang inilikas pansamantala sa isang gym at pinauwi naman kaagad kinabukasan sa kanilang mga tahanan matapos humupa ang baha.  —LBG, GMA News