Inaresto ng mga awtoridad ang isang 68-anyos na lalaki dahil sa paghabol niya sa kaniyang live-in partner ng "katana" o samurai sword at baril sa Talavera, Nueva Ecija.

Sa ulat ng GMA News "Quick Response Team" nitong Miyerkules, kinilala ang suspek na si Melencio de Jesus.

Nangyari umano ang insidente noong Linggo matapos na magkaroon sila ng mainit na pagtatalo ng biktima.

Humingi naman ng tulong sa mga awtoridad ang anak ng biktima kaya naaresto si de Jesus.

Nakuha sa kaniyang bahay ang isang katana, bolo at paltik na kalibre 38 na baril.

Inamin naman umano ni de Jesus ang kasalanan at mahaharap siya sa kinauukulang reklamo. --FRJ, GMA News