Paalala: May mga sensitibong eksena sa video.

Trahediya ang sinapit ng isang lalaki na nagtatrabaho sa gilingan ng yelo sa Zambonga nang kainin ng makina ang isa niyang binti.

Sa isang episode ng "Kapuso Mo, Jessica Soho,"  sinabing nitong nakaraang linggo lang nang mangyari ang insidente kay Remi.

Ayon sa isang kasamahan niya sa trabaho, pinaalalahanan nila ang biktima na huwag nang sumampa sa gilingan ng yelo dahil nakainom siya.

Pero hindi naman naniniwala rito ang maybahay ni Remi dahil batay sa natanggap niyang impormasyon, hindi naman daw lasing ang biktima.

Sa katunayan, 50 pirasong malalaking yelo raw ang nakatokang gilingin ni Remi at apat na yelo na lang ang natitira nang mangyari ang insidente.

Bagaman kaagad na napatay ang makina na panggiling ng yelo, hindi naman kaagad matanggal sa pagkakaipit ang mga binti ni Remi.

Tinatayang isang oras daw ang lumipas bago naalis si Remi sa pagkakaipit sa makina, at isang oras na biyahe pa papuntang ospital kaya maraming dugo na ang nawala sa kaniya.

Mailigtas kaya ang buhay ni Remi at makatanggap kaya siya ng tulong sa kaniyang pinagtatrabahuhan sa kabila ng paniniwala na nakainom siya habang nagtatrabaho? Panoorin ang buong kuwento sa video na ito ng "KMJS."

--FRJ, GMA News