Patay ang isang 7-anyos na bata habang walong iba pang mga bata ang sugatan matapos araruhin ng isang truck ang dalawang bahay sa Maharlika Highway, Barangay Inaclagan, Gumaca, Quezon.

Ayon sa report ng Gumaca Municipal Police Station, nangyari ang aksidente pasado 5:00 ng hapon noong Huwebes.

 

Photos courtesy of Gumaca LGU
Photos courtesy of Gumaca LGU

 

Patungo sana sa Maynila ang truck mula Bicol nang mawalan umano ng control sa manibela ang driver nito, dahilan upang masalpok ang dalawang  bahay sa gilid ng highway. Tinamaan din ang isang nakaparadang tricycle.

Sa tindi ng pagsalpok ay wasak na wasak ang dalawang bahay, ang isang bodega, at ang tricycle.

 


 

Mabilis na na-rescue ang mga biktima at sa pagamutan na binawian ng buhay ang 7-anyos na bata.

Kasalukuyang ginagamot ang walong iba pang biktima at nasa maayos na kondisyon ayon sa mga doktor.

 

 

Hawak na ng Gumaca Municipal Police Station ang driver ng truck na kinilalang si  Edmar Nocos, na nahaharap sa kasong Reckless Imprudence Resulting in Homicide, Physical Injury, at Damage to Property.  —LBG, GMA News