Arestado ang dalawang lalaki sa Oriental Mindoro matapos magbantang ipakakalat ang maseselang larawan ng isang estudyante, ayon sa ulat ng Unang Balita nitong Lunes.

Kinilala ang dalawa na sina Mark Pajaron at Ramir Octavo na kapwa inireklamo ng isang 21-anyos na babae.

Hiningian daw ng mga suspek ang babae ng bayad para hindi ikalat ang kaniyang mga litrato.

Nahuli si Pajaron matapos kunin ang pinadalang pera ng babae. Agad naman niyang itinuro si Octavo na napag-alamang boyfriend ng biktima.

Hindi nagbigay ng pahayag ang dalawang suspek. --KBK, GMA News