Patay ang municipal administrator ng Lasam, Cagayan matapos siyang baril habang nagbibisikleta nitong Linggo ng umaga.

Sa ulat ng GMA News TV "Quick Response Team" nitong Lunes, kinilala ang biktima na si Benjamin Augustos Agatep Jr., 55-anyos.

Nakita ang bangkay ng biktima katabi ng kaniyang bisikleta sa gilid ng kalsada.

Sa imbestigasyon ng mga awtoridad, sinabing nagbibisikleta ang biktima nitong Linggo ng umaga nang barilin ng hindi pa nakikilalang salaring sakay ng motorsiklo.

Nagluluksa at nanawagan ng hustisya ang lokal na pamahalaan ng Lasam.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon para matukoy ang motibo at pagkakakilanlan ng mga salarin.--FRJ, GMA News