Patay na nang matagpuan ang 17-anyos na lalaking nahulog at tinangay ng agos sa Montalban River spillway sa Rodriguez, Rizal.

Sa ulat ng GMA News TV "QRT" nitong Miyerkoles, sinabing inabot ng tatlong araw ang paghahanap kay Christian Limuel Atup.

Huling nakita si Atup noong Linggo at sinasabing tumalon umano sa spillway habang rumaragasa ang tubig.

Nitong Miyerkoles ng umaga nakita ang bangkay ni Atup sa ilalim ng tulay sa Barangay San Jose, Rizal.

Isang lalaki na nangangalakal ng basura ang nakakita sa mga labi ng biktima at hinila niya para hindi na tangayin ng agos.

Matapos nito, ipinagbigay-alam niya sa mga awtoridad ang tungkol sa katawan ni Atup.

Alam na rin ng pamilya ni Atup na natagpuan na ang kaniyang mga labi.

Ayon kay Raymond Beltran, hepe ng Barangay San Isidro, DRRMO, mga 1.7 kilometro ang layo ng Barangay San Jose mula sa San Isidro kung saan naroon ang spillway.

Natukoy si Atup dahil sa kaniyang kuwintas at hikaw sa tainga, at nakilala rin ng mga kaanak ang ilang marka sa kaniyang katawan.

"May sugat na po sa mata, lumobo na po 'yung kaniyang bibig, at meron din siyang pasa sa dibdbib," ayon kay Beltran.

"Tinanggap na po nila. Masakit man sa kanilang kalooban pero 'yun po talaga ang kinahinatnan dahil po sa sakunang nangyari sa kaniya," sabi ni Beltran tungkol sa pamilya ng biktima.

Plano naman ng magkabilang barangay na palagyan ng steel matting ang spillway para wala nang makatawid at maiwasan ang sakuna.--Jamil Santos/FRJ, GMA News