PIAGAPO, Lanao del Sur - Patay ang isang suspek na miyembro umano ng kidnap for ransom gang nang ito raw ay manlaban sa mga pulis sa Lanao del Sur nitong Biyernes.

Nakilala ang suspek na si Kadafy Manusun Ayonan, 35, dating barangay chairman ng Barangay Bangco sa Piagapo.

Ayon sa pulisya, si Ayonan ay ang number 2 most wanted person sa lalawigan.

Patay din ang isang menor de edad na natamaan ng ligaw na bala sa nasabing insidente na naganap bandang 5:30 a.m. sa Barangay Mamaan sa Piagapo.

Ayon kay Police Colonel Rex Derilo, provincial director ng Philippine National Police-Lanao del Sur, nagsagawa ng joint operation ang kapulisan para mag-serve ng warrant of arrest kay Ayonan at sa iba pang suspek na sina Amirodin Dimakuta at Ibrahim Maute Dimakuta sa nasabing barangay.

Ang warrant of arrest ay para sa kasong kidnapping at murder sa dalawang kasong kriminal na inihain sa Regional Trial Court 12 Branch 9 sa Marawi City. Si Judge Sittie Laarni Umpa, executive judge ng RTC 12 Branch 9, ang nag-issue ng warrant of arrest.

Ayon kay Derilo, dating miyembro si Ayonan ng kidnap for ransom group ni Abdul Radia na natagpuang patay sa Iligan City tatlong taon na ang nakalipas.

Dagdag pa nito, bago umano naging barangay chairman si Ayonan ay kasama umano ito sa nasabing kidnap for ransom group mula 2000 hanggang 2012. 

Habang papalapit daw ang tropa para maghain na ng warrant of arrest, agad silang pinaputukan ng mga suspek.

Doon na nag-umpisa ang palitan ng putok na tumagal ng kalahating oras, at ikinamatay ni Ayonan.

Nakatakas daw sina Amirodin Dimakuta, Ibrahim Dimakuta at dalawa pang hindi pa nakikilalang suspek habang nakikipagpalitan ng putok sa mga awtoridad.

Isang Special Action Force (SAF) trooper ang binaril umano nang dalawang beses ni Amirodin Dimakuta gamit ang isang kalibre .45 rifle. Mabuti na lang at naka-bullet proof vest ang SAF trooper kaya't hindi naman ito nasugatan.

Matapos ang palitan ng putok ay agad na dinala ng mga awtoridad sa Amai Pakpak Medical Center si Ayonan ngunit idineklara itong dead on arrival ng attending physician.

Sa kanilang clearing operations, nakita ng pulisya ang bangkay ng lalaking menor de edad na may tama sa iba't ibang parte ng katawan.

Ayon sa pulisya, ang nasabing lugar ay pugad umano ng Dawlah Islamiya-Maute group members kaya nagsagawa agad ng blocking force ang mga sundalo ng 103rd Infantry Brigade ng Philippine Army.

Sa karagdagang pagsisiyasat ng mga pulis, napag-alaman nilang mas pinili umano ni Ayonan na lumaban kaysa mahuling buhay. Ayon pa sa kanilang nakalap, ang isang suspek ang nakatama sa menor de edad at ginawa itong shield laban sa kapulisan.

Ang grupo umano ay naghahanda rin ng mga improvised explosive device (IED). Na-recover ito ng mga pulis.

Nakuha rin sa pinangyarihan ng insidente ang isang M16 rifle, limang magazines ng M14 rifle na fully loaded (76 rounds), dalawang fired cartridge ng M14 rifle, pitong caliber .30 fired cartridges, walong fired cartridges ng caliber .45 firearm, iba't ibang klase ng components ng IED, isang ISIS flag, isang wallet na may lamang P20,000, at iba't ibang ID ng suspek.

Inihahanda na ng Piagapo Police ang kasong murder laban sa mga nakatakas na suspek sa pagkamatay ng isang Bong Hadjinasser, kasong frustrated murder dahil sa pamamaril umano sa nasabing SAF trooper, at kasong direct assault for engaging with authorities. —KG, GMA News