Isinugod sa ospital ang 57 katao na nakaranas ng lagnat, pagsusuka, at pagtatae matapos silang kumain ng shawarma sa stall ng isang mall sa Marilao, Bulacan.

Sa ulat ng GTV "Balitanghali" nitong Martes, sinabing inireklamo ng mga biktima ang insidente sa barangay.

May iba pang mga nagpapagaling at hindi na nakapunta sa tanggapan ng barangay at hindi na umano napasama sa bilang ng mga naapektuhan ng shawarma.

Lumabas sa resulta ng lab test ng ilan sa mga naospital na nagka-amoebiasis sila.

Nanawagan ang mga biktima sa may-ari na panagutan ang nangyari at sagutin ang kanilang mga gastusin sa ospital at pambili ng mga gamot.

Nagtungo na sa barangay hall ang kinatawan ng franchise ng inirereklamong shawarma stall, pero sinabi niyang hindi na nila makita ang mismong may-ari nito.

Nakatakdang magkaharap ang kinatawan ng franchise at mga complainant sa Huwebes para talakayin ang insidente.--Jamil Santos/FRJ, GMA News