Nasagip ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Pampanga ang 36 na Badjao, na kinabibilangan ng 12 bata, na ginagamit umano ng sindikato para mamalimos.

Sa ulat ni John Consulta sa GMA News "24 Oras" nitong Biyernes, sinabing mga tauhan ng NBI-Anti Human Trafficking Division, ang nagsagawa ng operasyon sa Apalit na nagresulta sa pagkakaaresto ng miyembro ng sindikato na nagsisilbing "handler" ng mga Badjao.

Hindi muna isiniwalat ang pangalan ng handler dahil patuloy pa ang isinasagawa nilang operasyon ng mga awtoridad.

Mayroon umanong recruiter ang sindikato na nagpupunta sa Zamboanga upang doon manghikayat ng Badjao na gustong sumama sa Maynila at kalapit na lalawigan para mamalimos.

Pero sa halip na isakay sa barko, sa eroplano na umano isinasakay ang mga Badjao para hindi masita sa pantalan.

Ang nakokolekta ng mga Badjao sa pamamalimos ay 50/50 na pinaghahatian ng mga Badjao at kanilang handler.

Ibinabawas din umano ang bayad sa renta ng tirahan at pagkain ng mga Badjao, ayon kay Janet Francisco, chief NBI-AHTD.

Mahalaga umano ang pagkakasagip sa mga Badjao dahil maaari silang magkalat ng COVID-19 kapag lumalapit o sumasampa sa mga sasakyan para mamalimos.

Ibabalik ang mga Badjao sa Zamboanga pagkatapos ng kanilang quarantine period, habang kinasuhan ng paglabag sa anti-trafficking of human ang nahuling handler.--FRJ, GMA News