Nasawi ang dalawang lalaki, kabilang ang isang menor de edad, matapos silang tamaan ng kidlat habang nagtatanim ng palay sa Pinili, Ilocos Norte.
Sa ulat ng Balitang Amianan ng GMA Regional TV, kinilala ang mga biktima na sina Noel Ceredon, 15-anyos, at Ronald Pagatpatan, 37-anyos.
Sugatan naman ang tatlo pa nilang kasamahan na sina Jonel Pagatpatan, Adrian Loyd Cacalda at Francis Pagatpatan, na ginagamot sa ospital.
Sinabing nagtatanim ng palay ang mga biktima nang mangyari ang insidente.
Dahil dito, pinag-ingat ang mga magsasaka na nagpupunta sa bukid lalo't madalas ang pagkidlat tuwing umuulan.--Jamil Santos/FRJ, GMA News
