Tumilapon mula sa sinasakyan nilang bisikleta ang magkapatid na menor de edad matapos silang salpukin ng humaharurot na motorsiklo sa Calasiao, Pangasinan.   

Sa ulat ni Claire Lacanilao sa GMA Regional TV "Balitang Amianan" nitong Biyernes, makikita sa kuha ng CCTV sa Barangay Nalsian ang magkapatid na biktima na tatawid sa kalsada habang sakay ng isang bisikleta.

Sa bahagi ng pedestrian lane tumawid ang magkapatid pero malapit pa lang sila sa gitna ng kalye nang salpukin sila ng motorsiklo.

Sa lakas ng pagkakabangga, tumilapon ang magkapatid na edad 15 at walo, at humandusay sa gitna ng kalsada na walang malay.

Tumilapon din ang rider na minor injury lang ang tinamo.

Nasa ospital pa ang isa sa mga biktima para patuloy na obserbahan dahil sa matinding sugat sa ulo.

Napag-alaman na residente ng Barngay Lasip Chico sa Dagupan City, at nagpunta sa Calasiao para magdeliber ng panindang bangus.

Sinabi ng kaanak ng mga biktima na nagkausap na sila sa pulisya ng rider at nangako na sasagutin ang gastusin sa pagpapagamot sa magkapatid kapalit ng hindi pagsasampa ng reklamo.--FRJ, GMA News