Patay ang dalawang drug suspects matapos mauwi sa engkwentro ang isang anti-illegal drug operation sa Bacoor City.

Iniulat sa “Unang Balita” nitong Biyernes ni John Consulta na naglunsad ng operasyon ang mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa isang bahay sa Bacoor.

Napatay ang dalawang suspect nang manlaban umano ang mga ito sa mga awtoridad.

Narekober ang aabot sa 181 kilo ng hinihinalang shabu, pati na ang marked money na P600,000.

Ayon sa PDEA, malaking warehouse ng droga ang kanilang sinalakay.

Batay sa pahayag ng mga awtoridad, isu-supply dapat ang droga sa Mindanao. —LBG, GMA News