Nasawi ang isang 31-anyos na ginang nang tamaan ng kidlat na pumasok sa kanilang bahay habang naghahanda siya ng hapunan para sa mga anak sa Antique.

Sa ulat ni John Sala sa GMA Regional TV News nitong Biyernes, sinabing dakong 6:30 pm noong Lunes nangyari ang trahedya sa bahay ng biktimang si Lordeliza Trogo, sa Barangay Jaguikican, Laua-an sa Antique.

Naghahanda umano ng hapunan si Trogo nang lumusot sa loob ng kanilang bahay na gawa sa kawayan at yero ang kidlat.

Tinamaan ang ginang na nagtamo ng sugat sa leeg at nasawi.

Nakaligtas pero nasugatan ang dalawa niyang anak na edad isa at apat, na nagtamo ng galos at paso sa katawan.

Sa bahay, nakitang nagkalat ang kanin na ihahanda sana ni Trigo sa lima niyang anak.

Ayon sa pulisya, nasa kabundukan ang bahay ng biktima.

Wala naman sa bahay ang live-in partner ni Trogo na napag-alaman na kaluluwas pa lang ng Maynila para maghanap ng trabaho.

Humihingi ng tulong ang kamag-anak ng nasawi dahil na rin sa maliliit pa ang naiwan niyang mga anak. --FRJ, GMA News