Patay ang apat sa 13 preso na nagtangkang pumuga sa Lianga District Jail sa Surigao Del Sur.  Naaresto naman ang siyam na iba pa.

Sa ulat ni Sarah Hilomen Velasco sa GMA Regional TV News nitong Martes, sinabing nangyari ang engkuwento nitong nakaraang Linggo.

Sa imbestigasyon ng pulisya, lumitaw na inagawan ng armas ng mga preso ang mga jail guard at ginawang bihag ang tatlong bantay.

Pero nang makita ng iba pang jail guard ang pangyayari, nagtakbuhan umano ang mga preso sa main gate ng kulungan para tumakas.

Dito na nagpaputok ng warning shot ang mga bantay pero pinili umano ng mga tumatakas na preso na lumaban gamit ang inagaw nilang mga armas.

Nang matigil ang putukan, apat na preso ang nasawi, naaresto ang siyam, na ang isa ay sugatan.

Ayon sa ulat, karamihan sa mga preso na nagtangkang tumakas ay mga naarestong miyembro umano ng New Peoples Army (NPA).--FRJ, GMA News