Ikinagulat at ikanatakot ng ilang mga mortorista at residente sa isang bayan sa Nueva Ecija ang isang puting kabaong na ihinarang sa kalsada.

Iniulat ng Unang Balita nitong Miyerkules na nakitang nakaharang sa kalsada sa bayan ng Aliaga ang kabaong.

Unang nakita ang kabaong ng isang motorista madaling-araw noong Martes. Sa takot, ay napahinto na lamang umano siya. Ang ibang nakasunod sa kanya ay humanap na lamang umano ng ibang madaraanan.

Dagdag ng motorista, madalas umanong may nagyayari na ganito sa bahaging iyon ng kalsada, lalo na at walang ilaw sa bahaging iyon ng daan malapit sa sementeryo.

Ayon naman sa mga pulis, iimbestigahan nila ang insidente at aalamin kung sino ang naglagay ng kabaong sa kalsada. —LBG, GMA News